“Agos” - sa
panulat ni writingriddles
“Ayoko na mag-aral!"
Iyan ang sinigaw ni Karlo, sabay hagis
ng libro sa dumadaloy na tubig ng ilog. Kaso magaling ata siya umasinta,
sumakto sa malaking bato ang libro at hindi pa inanod palayo ng kalikasan.
Umupo siya sa may damuhan sa tabing-ilog at tinitigan ang libro ng masama,
hinihiling na sana dinala na lang ito ng agos. Pero nandoon pa din ang libro na tinititigan lang din siya
pabalik. Ang mga salitang nakalathala ay mga matang hindi nga nanghuhusga pero
tila tahimik naman siyang inaaway. Hindi niya naiintindihan
kung bakit pinipilit ng mga matanda na kailangan niyang magbasa ng
madaming-madaming libro. Para daw sa kinabukasan niya, sabi nila. Eh ano ba ang
salitang “kinabukasan” sa isang batang (binata na talaga pero ayaw niyang
tanggapin) katulad niya na mas gusto pang gumala sa kalsada?
Kaya tumayo na lang siya, kumuha ng
maliit na bato at hinagis sa libro bago ito iwan. Paalis na dapat siya nang may
nakita siyang lumulutang sa ilog.
Gitara.
May lamat ang harapan nito, putol ang
isa sa mga kwerdas, at mukhang gamit na gamit na. Kumunot ang noo niya sandali,
tapos linusong niya ang malamig at medyo maduming ilog para kuhanin ang gitara.
Natagalan ang pagkababad niya sa tubig, matagal na pinagninilayan kung kukunin
ba niya talaga ang gitara o iiwan ito kasama ang libro niyang itinapon. Pero
sabi nga nila, one man's trash is another man's treasure. Nabasa lang din niya
yun sa librong itinapon niya at hindi niya rin masyadong naiintindihan, kaya hindi
na lang niya pinansin ang quotation sa utak niya.
Pero sa huli kinuha pa rin niya ang
gitara. Iniwan niya ang libro sa may batuhan at nagdesisyong umuwi. Habang
bitbit ang mabigat na instrumento pauwi iniisip niya kung paano niya ito
aaralin. Wala siyang kuya o ate na pwedeng kulitin para magpaturo, at mas mahal
ng nanay at tatay niya ang negosyo ng pamilya nila kaysa sa kanya. Baka nga
hindi nila napansin na tumangkad siya ng isang dangkal sa nakalipas na tatlong
buwan. Pero pwede naman siyang bumili siguro ng song hits, mag-aral mag-isa
hanggang pati ang kalyo niya ay magkaroon ng kalyo. Tapos sasali siya sa mga
talent search sa baranggay at sa TV, tapos kapag sumikat siya hindi na niya
kailangang mag-aral. Gitara lang ang kakampi niya, at ang musika at mga
producer na magtitiyagang gastahan siya ng pera at ang talent niyang hindi pa
naman napapatunayan.
Minsan iniisip niya ang problemang baka may problema nga
talaga siya sa pag-iisip.
Habang iniisip na niya ang acceptance
speech niya sa Grammy’s para sa mga kantang hindi pa naman niya naisusulat
(mangangarap ka na nga, itodo mo na) ay nakaramdam siya ng mga patak sa kanyang
pisngi. Tumingin siya pataas sa dumidilim na kalangitan at nakita ang mga
nangangalit na kumpol ng mga ulap, unti-unting pinapalitan ang asul ng itim.
“Kapag minamalas ka nga naman,” bulong
sa sarili, sabay takbo papunta sa pinakamalapit na pwedeng masilungan. Bitbit
pa din niya ang mabigat na gitara sa mga bisig na kanina ay pagod na pagod sa pagbitbit
sa nag-iisang libro. Habang sinusugod niya ang lumalakas na ulan ay iniisip
niya ang gitara, pero bumabalik pa din sa kanya ang librong inabandona. Nalusaw
na kaya ito sa ulan, o tumaas kaya ang tubig ng ilog at dinala ito sa kung saan
man tumutungo ang mga ilog kapag dumadaloy ito?
Dumating siya sa isang hindi natapos na
kubo na ginawa nang palaruan ng mga bata sa baryo nila. Ito ay gawa sa pawid at
kawayan, walang pinto at kulang ng isang dingding kaya presko kapag mataas ang
araw at nagbibigay ng sapat na proteksyon kapag umuulan. Dito siya ngayon
napadpad. Iniisip niyang wala siyang madadatnan dito pero malayo pa lang ay may
nakita na siya.
May matandang lalaki, mukhang nasa
sitenta o lampas na ang edad, at naglalakad pa lang siya palapit sa kubo ay
napansin niya nang kakaiba ito.
Una, wala siyang suot na pang-itaas.
Pangalawa, sumasayaw siya sa ulan.
Malakas na kinakanta ng matanda ang Happy Birthday sa pinakamalakas na boses
na meron ito, parang walang pakielam kung maririnig siya ng ibang tao o
nakakabulahaw na siya sa mga kapitbahay. Kinawayan niya lang si Karlo na
tumatakbo papuntang silungan at nagpatuloy na kumanta at magsasasayaw sa ulan.
Nang makarating na siya ay pinunasan niya ang gitara ng isang naiwang lumang
tuwalya sa loob ng kubo, at pinanood ang matandang nagkokonsyerto sa gitna ng
bagyo. Ang saya ng mukha nito, at kahit napapasukan ng tubig-ulan ang bibig at
ilong nito ay tuloy pa din siya sa pagkanta. Napangiti ang binata habang
pinapanood ang di-kilalang lolo. Ilang dekada ang tanda nito sa kanya pero
parang wala na siyang prinoproblema.
Kalaunan
ay tumigil din ang matanda. Nasamid sa tubig ulan at naubo ng matagal, tapos
pumunta na sa silong para magtuyo ng buhok at katawan gamit ang tuwalya na
bitbit niya sa isang bag kasama ang kanyang kamiseta. Tahimik na inabot sa
kanya ni Karlo ang tuwalya at nginitian siya ng matanda, isang bungal na ngiting
puno ng pasasalamat. Ginamit niya ang tuwalya na pantuyo sa nalalabing puting
buhok sa kanyang ulo at sinamahan si Karlo sa pagtitig sa lumalakas pa ding
ulan sa labas. Matagal silang natahimik parehas hanggang biglang nagsalita ang
matanda.
“Salamat iho. Anong pangalan mo?”
Sinabi
sa kanya ng nanay niya at nabasa niya din sa librong itinapon na huwag makipag-usap
sa mga taong hindi niya kilala, pero mukha namang mabait ang matanda kaya
sinagot niya ito. Hindi naman kasi niya nakakausap ang libro o ang nanay niya.
“Karlo
po.”
“Ah, ang
gandang pangalan, pang-artista! Bagay sa’yo, gwapo ka,” sabi ng matanda. Natawa
na lang si Karlo, hindi alam kung matutuwa kasi nasabihan siyang gwapo o
kakabahan kasi hindi niya alam kung kidnapper o nangunguha ng bata ang kausap
niya.
“Salamat
ho, haha, hindi naman po masyado.” sabi niya, para kunyari mapagkumbaba siya.
“Ilang
taon ka na ba?” tanong ulit ng matanda.
“Kinse
na po.”
“Aaaah...
malapit ka nang magkolehiyo ng mga ganyang edad no? Anong balak mong kunin?”
“Hindi
ko pa po alam eh. Baka po hindi na lang ako tumuloy ng kolehiyo, magtrabaho na
lang po ako. May negosyo naman po mga magulang ko.”
Sumimangot
ang matanda. “Huwag kang ganyan iho. Madaming gustong mag-aral. Ako hayskul
lang natapos ko, tapos aral-aral na lang sa mga libro sa laybrari. Swerte ka
pinapaaral ka ng mga magulang mo.”
“Maski
mag-aral naman po ako o hindi, hindi pa din naman po makakapag-aral yung mga
gustong mag-aral...” sagot ni Karlo. Nakasimangot pa din ang matanda sa kanya
kaya nanahimik na lang siya, pero gusto niya ding magtanong. Gusto niyang
malaman kung sino ang matandang tila sinto-sinto na sumasayaw kanina sa ulan.
“...Kayo
po, ano hong pangalan niyo?”
“Cesario,
iho. Parang Cesar na rapper. Yo,” sabi ng lolo sabay ngiti at pakita ng peace
sign sa kanya. Natawa si Karlo ng malakas. Baka nga tama ang hinala niyang
medyo maluwag na ang turnilyo sa utak ng matanda.
“Ilang
taon na po kayo, Lolo Cesario?” tanong niya ulit, medyo natatawa pa.
“Sebenti-payb
na iho. Mabubuo ko na ung isang siglo konti na lang!” buong pagmamalaki niyang
ibinida sa binata. Natawa ng bahagya si Karlo, tsaka napansin ni Lolo Cesario
ang gitara sa tabi ng binata.
“Iyo yan
iho?” tanong niya, may ibang emosyon sa mga mata. Umiling si Karlo.
“Hindi
po. Nakita ko lang na lumulutang sa ilog, pinulot ko kasi sayang naman,” pagpapaliwanag
nito.
“Pwedeng
pahiram?” tanong ni Lolo Cesario. Iniabot naman agad ni Karlo ang gitara, at
pinanood ang matanda. Hinimas-himas nito ang leeg ng instrumento, sinapo ang
lugar kung saan dapat ay may isa pang nakakabit na kwerdas, nagpatugtog ng
ilang nota. Tila napunta siya sandal sa sarili niyang mundo, at pinapanood lang
siya ni Karlo. Tapos parang biglang natauhan ang matanda, sabay baling sa kanya
ng tanong.
“Tumutugtog ka ba iho?”
“Nako hindi po. Pero pag-aaralan ko po.
Tapos po sasali ako sa mga contest sa TV, kapag nadiscover ako at sumikat ako
hindi ko na kailangang mag-aral!”
Nginitian
siya ni Lolo Cesario, at natuwa siya kasi hindi siya pinagtawanan ng matanda.
Sa tagal na siguro ng nilagi niya sa mundong ibabaw, alam niya na kung gaano
kaimportante ang magkaroon ng pangarap at ang pagpapahalaga dito.
“Maganda
yan. Kaso hindi dapat gamitin ang gitara para takasan ang mga problema. Baka kapag
sumulat ka ng mga kanta puro malungkot ang kalabasan. Kahit itago mo, lalabas
at lalabas pa din lahat ng mga saloobin mo. Ganyan ang epekto ng musika eh.
Kaya dapat ginagamit ito sa tamang paraan. Dapat lagi nitong sinasabi kung ano
ang nakatago sa loob ng utak at isip mo. Kasi ginawa siya para marinig ng iba.”
Hindi
nakasagot agad si Karlo sa matanda; bigla siyang kinonsensiya. Naalala ang
librong pinabayaang lamunin ng mga elemento. May isa ding tanong na gusto
niyang ilabas na nangungulit sa likod ng kanyang utak, pero hindi niya alam
kung paano niya ito maisisingit sa usapan.
“Lolo!
Naligo na naman kayo sa ulan? Ang kulit niyo talaga!”
May
bagong boses na sumigaw sa gitna ng ulan. Parehas napalingon si Karlo at Lolo
Cesario sa bagong dating. Matangkad na lalaki, may itsura, mukhang nasa
kolehiyo na ang edad, at may bitbit na plastic bag habang nakasilong sa isang
malaking itim na payong. Hindi niya pinansin si Karlo at dali-daling kumuha ng
makapal na tuwalyang panligo mula sa bitbit na plastic at sinakluban si Lolo
Cesario.
“Pwede
po ba magsasabi kayo kung gusto niyong lumabas? Nag-aalala po kami kakahanap sa
inyo kapag nawawala kayo eh,” saway ng bagong dating sa matanda. Nginitian lang
ito ng matanda at nagkibit-balikat, sabay pilyong kumindat sa direksyon ni
Karlo. Natawa ito, at bumaling sa kanya ang lalaking hindi pa din
nagpapakilala.
“Nang-iistorbo
pa kayo... pasensya ka na kung kinulit ka ng lolo ko ah,” sabi niya, tapos inabot
ang kamay. “Ako nga pala si Enrico. Apo ako ni Lolo Cesario, na parang Cesar na
rapper,” sabay ngiti. Natawa si Karlo at Lolo Cesario, at nagpakilala at nakipagkamay
ang nauna kay Enrico.
“Sumasayaw
na naman ba sa ulan kanina si Lolo?” tanong ni Enrico kay Karlo. Tumango si
Karlo, at pabirong tinignan ng masama ng mas matanda ang kanyang lolo.
“Ang
kulit niyo talaga Lolo. Kapag ikaw sinipon na naman mamaya huwag ka
magrereklamo ah,” sabi niya, sabay siko sa matanda.
“Kasama
kaya sa trabaho ng mga matatanda ang magreklamo tungkol sa mga masakit sa
katawan nila!” sagot ni Lolo Cesario.
“Ngayon
niyo ginagamit ung edad niyo, e ayaw niyo ngang nagpapatawag ng lolo! Ang daya
niyo ha!”
“Hindi
ako madaya, matanda na ako! Eto naman, minsan lang naman, payagan mo na ako!”
Napapangiting
pinapanood ni Karlo ang pag-uusap ng mag-lolo. Wala kasi siyang makausap ng
ganito sa bahay. Hindi niya nakilala kahit kailan ang mga lolo’t lola niya,
wala siyang mga kapatid, at hindi niya rin mahagilap ang mga magulang niya,
lalo na makausap. Napansin ni Lolo Cesario na malayo ang lipad ng utak ni
Karlo, kaya bumulong siya ng saglit kay Enrico at umalis sa silong ng kubo.
Mahinang ambon na lang ang kaninang malakas na ulan, at tumakbo ang matanda
papunta sa isang kumpol ng mga puno at naupo sa ilalim ng mga mayayabong na
dahon at sanga, hawak pa din ang gitara. Nagsimula itong tumugtog at kumanta,
sapat ang hina upang siya lang ang makarinig at hayaan ang malakas na hangin na
bigyan sina Enrico at Karlo ng pagkakataon na makapag-usap.
“Alam
mo, gitara ko yung napulot mo,” biglang sabi ni Enrico.
“...Hindi
nga?” gulat na tanong ni Karlo. Tumango si Enrico.
“Oo.
Regalo ni Lolo yun saken. Sabi ko kasi gusto kong sumulat ng mga kanta. Natuwa
ata siya, binilhan naman ako. Natuto kaso tinamad, kasi wala namang may gusto
ng mga kanta ko kundi si Lolo. Sinubukan ko na sumali sa mga contest, pero
kahit ung nililigawan ko sabi ang corny ng mga kanta ko. Ayun nabasted, nainis
ako kaya tinapon ko na lang yung gitara. Parang wala naman kasing kwenta eh,”
saad ni Enrico, nakatulala sa matanda at nakikinig sa kantang ginagawa ng patak
ng ulan at malakas na hangin at ng gitarang kulang ang kwerdas.
“Baka
hindi lang nila naiintindihan yung mga kanta mo? Nabasa ko sa libro dati na
nakabase sa nakikinig ang ibig sabihin ng kanta. Baka hindi mo pa lang nakikita
ung tamang makikinig sa’yo. Hayaan mo yung mga nanlalait, lagi namang merong
ganun. Basta alam mo masaya ka dapat sa ginagawa mo,” mabagal na sagot ni Karlo.
Napangiti si Enrico sa kanya at ginulo ang buhok niya, sabay hugot ng isang
pamilyar na libro mula sa bitbit niyang plastic bag.
“Nabasa
ko din yan sa libro mo. Bakit mo naman tinapon, maganda naman?” tanong niya
habang inaabot kay Karlo ang libro. Manghang-mangha na binawi ni Karlo ang
libro, binali-baliktad ito sa kanyang mga kamay at hindi makapaniwala.
“Hindi
ko alam... kasi hindi ko din naiintindihan ung silbi ng librong ‘to. Nainis na
siguro ako kaya ko ginawa...” sagot niya. “Parang kaparehas siguro nung tinapon
mo yung gitara mo. Napagod na ako sa mga nanghuhusga tsaka dumidikta kung pano
ako dapat mabuhay.”
“...Ang
dami mo namang pinanghuhugatan. Pero alam mo, kapag pinakikinggan kita parang
binabasa ko yung libro mo.”
“Ha?”
“May laman
ang mga sinasabi mo. Para akong nagbabasa ng libro pero hindi ako naiinis.
Parang linya ng kanta na gumagawa ng sariling tunog,” sambit ni Enrico at
napangiti. “Magandang lyrics yun ha...”
Hindi
sumasagot si Karlo, malalim ang iniisip. Biglang tumakbo papalapit sa kanila si
Lolo Cesario at nagmamadaling iniabot ang gitara kay Karlo. Ngumiti siya sa
dalawang nakababatang lalaki at tumuro sa langit. Lumalakas na naman ang hangin
at ulan.
“Teka
lang, magpapasalamat lang ako.” Kinindatan niya si Karlo sabay takbo sa ulan.
“Mamaya mo na lang ako sawayin!” pahabol niya sa apo. Wala nang nagawa ang
dalawa kundi tawanan at sundan ng tingin si Lolo Cesario habang nag-iindayog
ito sa ilalim ng malakas na buhos ng ulan.
“Lagi ba
niyang ginagawa yan?” tanong ni Karlo. Tumango si Enrico.
“Kapag
may kalakasan ang ulan, gusto niyang lumalabas at magpaulan. Kakanta din siya
ng Happy Birthday kasi sabi niya, yung mundo daw nagpapapansin kapag umuulan. Kaya
kinakantahan niya para malaman daw na mayroong may pakielam, mayroong nakikinig
tsaka merong nagpapasalamat. Ganun daw kasi dapat tayo sa mundo: hindi dapat
puro tanggap, nagbibigay din.”
Tahimik
na silang dalawa pagtapos magsalita ni Enrico. Si Karlo, nakatitig sa librong
binalik sa kanya ng pagkakataon at sa gitarang dinala sa kanya ng kalikasan.
Sinubukan niya itong iabot pabalik kay Enrico, pero umiling lang ito at
ngumiti.
“Iyo na
yan. Pati yung libro mo, huwag mo na ulit itapon. May dahilan siguro kung bakit
ikaw na ang may hawak niyan ngayon. Gumawa ka ng bagong libro, bagong kanta.”
“Pero hindi naman ako marunong tumugtog
o sumulat ng kanta. Dapat sa’yo ‘tong gitara, sayang lang sa akin,” pagpipilit
ni Karlo. Umiling si Enrico.
“Hinde, ayos lang. Pramis. Baka bumili
na lang ako ng bago.” Napatingin siya sa lolo na sumasayaw sa ulan at ngumiti.
“Mahal ni Lolo ang mga kanta. Baka gawan ko din siya ng thank you song. Para
hindi din puro Happy Birthday yung kinakanta niya. Para may makanta na din
siyang bago. Maalala niya pa ako.”
“Sigurado namang naaalala ka niya,” sabi
ni Karlo, ang mga salita ni Lolo Cesario tumatakbo sa kanyang isipan.
Kaya
dapat ginagamit ito sa tamang paraan. Dapat lagi nitong sinasabi kung ano ang
nakatago sa loob ng utak at isip mo. Kasi ginawa siya para marinig ng iba.
“Salamat sa gitara
ah.”
“Ayos
lang.”
“Kailangan
ko na lang matuto! Baka sumikat talaga ako.”
“Turuan
kita gusto mo? Huwag mo akong kalimutan kapag sikat ka na ha.”
“Sige!
Ngayon pa lang bigyan na kita ng pirma ko!”
At
nagtawanan sila kasama ng matanda sa ilalim ng malakas na buhos ng ulan.
Hinawakan ni Karlo ng mas mahigpit ang libro. Naalala niya ang isa pa niyang
nabasa, na ang buhay ay nagbibigay sa’yo ng mga pagkakataon, at ikaw na ang
bahala kung ano ang gagawin mo dito. Kanina wala siyang pakielam sa
kinabukasan. Ngayon, naibalik ang nawala sa kanya, at nakatagpo pa siya ng
bagong kaibigan. Hawak niya na ang libro at gitara, at nalaman niyang pwede
siyang gumawa ng kanta at storya.
Alam na niya ang ibig sabihin ng libro. Naiintindihan na
niya.
Naiintindihan na
niya.
Sa gitna ng kalikasan at tuluy-tuloy na
agos ng tubig mula sa kalangitan ay mayroong matanda at dalawang binata, isang
libro, at isang gitarang kulang ang kwerdas.
Ito ang kanilang storya.
No comments:
Post a Comment